Lumaktaw sa pangunahing content

Ang Siyam Na Panginoon Ng Mga Panahon Na Nagtatala Sa Buhay Ng Tao

Ang konseptong ito ay halaw sa mga taga-India, taga-Sumer, taga-Ehipto at iba pang mga lumang kabihasnan.  Ayokong gamitin ang kanilang mga termino dahil ito ay dayuhan, malayo at sumasalamin sa kanilang mga gawi at pananampalataya.

Noong unang pinag-aaralan ko ang mga kaisipang ito, napansin kong nakatali sa likas na salita ng lugar ang kultura ng tao. Bagaman, ang mga kaisipan, pagkaunawa, at hangarin ay sumasalamin sa lahat ng pangkat o lahi ng tao, binabakuran at nililimitahan ng mga katutubong kataga ang paggamit ng mga kaisipang ito para sa naturang pangkat ng lahi na nagsasalita nito. Hindi ito masama. Isa itong paraan para maintindihan ng nakakarami at maisapuso ang mga kaisipang ito. Isa din itong paraan ng pag-aangkin ayon sa kultura ng lugar.  At kapag tayo ay isang bagong salta, o dayo, sa lugar na iyon, kahit anong ikot ang gawin natin, mananatili tayong isang dayuhan sa pook na 'yon kahit gaano tayo katatas o kagaling magsalita ng kanilang mga wika.

Yan ang naramdam ko noong pinag-aaralan ko ang mga konseptong ito gamit ang kanilang mga kataga. Merong mga bagay na sa tingin ko ay hindi angkop sa ating panlasa, kaisipan, hinuha at kultura. May mga gawi silang kakaiba o katawa-tawa para sa atin. At habang ginagamit ko ang mga katagang ito sa mundong ginagalawan ko, hindi ang mga ito sumasalamin sa kung ano, at kung sino ako.

Kaya't hinalungkat ko ang ating mga kwentong-bayan, pamahiin at itinali ang mga pagkaunawang angkop para sa lahat ng lahi ng sa gayon ay kumatawan ito sa pang-araw-araw kong gawain.

Kaya nabuo ko ito.  Hiniram ko ang mga kaisipan sa ibang lupalop, hiniram ko din ang mga kataga ng mga katutubo natin, hinalo sila sa isang banga. Pinaghambing-hambing ko kung alin ang magkakatugma, sinuri at pinagkasya sa kung ano ang meron at ito ang kinalabasan:

Ang Siyam na Panginoon na Nagtatala sa Buhay ng Tao
  • Liadlaw - siya ay tinuturing na diyos ng araw sa kalipunan ng mga diyoses ng mga taga-Visayas. Apo siya ni Kaptan, ang pangunahing diyos na nakatira sa kalawakan ayon sa mga kwentong-bayan sa mga lugar dito. Sinisimbolo niya ang bilang na "Isa" at hawak niya ang anim (6) na taon sa buhay ng tao.
  • Mayari - siya ay tinuturing na diyosa ng buwan sa kalipunan ng mga diyoses ng mga nasa Katagalugan. Isa siya sa tatlong anak ni Bathala sa isang mortal na babae. Sinisimbolo niya ang bilang na "Dalawa" at hawak niya ang sampung (10) taon sa buhay ng tao.
  • Bathala - siya ay tinuturing na pangunahing diyos ng mga Tagalog. Sinisimbolo niya ang bilang na "Tatlo" at hawak niya ang labing-anim (16) na taon sa buhay ng tao.  
  • Bakunawa - hindi siya isang diyos na anyong tao. Pinaniniwalaan ng mga taga-Bisaya na isa siyang ahas na nilalang na may pakpak at bunganga na kasing laki ng isang lawa. Kinakain niya ang buwan kung kaya't merong eclipse. Sinisimbolo niya ang bilang na "Apat" at hawak niya ang labing-walong (18) taon sa buhay ng tao.
  • Manaul -  isa siyang hari sa kwento-bayan ng Negros na naging isang ibon. Pinaniniwalaan na pinag-away niya ang langit at dagat at dahil dito ay nabuo ang mga isla ng Pilipinas. Sinisimbolo niya ang bilang na "Lima" at hawak niya ang labing-pitong (17) taon sa buhay ng tao.
  •  Dian Masalanta - isa siyang diyosa ng pag-ibig, pagbubuntis at panganganak ng mga Katagulan. Sinisimbolo niya ang bilang na "Anim" at hawak niya ang dalawampung (20) taon sa buhay ng tao.
  • Minokawaisa siyang malaking ibon na pinaniniwalaan ng mga Bagobo sa Katimugang Mindanao. Gaya ng Bakunawa ng mga mga taga-Visayas, kinakain din niya ang buwan. Pero hindi lang buwan ang kinakain nito kundi pati ang araw at iba pang mga nasa kalangitan. Sinisimbolo niya ang bilang na "Pito" at hawak niya ang pitong (7) taon sa buhay ng tao.
  • Kan-laon - gaya ni Bathala sa mga taga-Tagalog, isa siya sa pangunahin diyos ng mga taga-Visayas. Diyos siya ng Oras at Panahon. Sinisimbolo niya ang bilang na "Walo" at hawak niya ang labing-siyam (19) na taon sa buhay ng tao.
  • Apolaki -   itinuturing siyang patrono ng mga mandirigma at diyos ng mga estratihiya o diskarte sa pakikipagdigma ng mga Katagalugan. Sinisimbolo niya ang bilang na "Siyam" at hawak niya ang pitong (7) taon sa buhay ng tao.
Ang natural na pagkakasunod-sunod ng mga nakatakdang panahon ay magmumula kay Dian Masalanta (20), Liadlaw (6), Mayari (10), Apolaki (7), Bakunawa (18), Bathala (16), Kan-laon (19), Manaul (17) at Minokawa (7).

Kapag pinagsama-sama ang kabuuang bilang ng mga taon, ayon sa mga lumang kabihasnan, ay aabot ng 120 taon ang buhay ng isang tao.

Magmula dito ay meron na tayong pundasyon para pag-aralan ang mga ugnayan ng simbolismo sa bawat panahon. Tatawagin natin silang Siyam na Takda.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Tungo sa isang Pilipinong Pagtatala at Pagbasa ng Panahon

Maligayang pagdating sa Tala ng Panahon! Ako nga pala si Manong Marse, isang mag-aaral at mananaliksik ng mga kaalamang sinauna at masasabi na ring lihim dahil hindi siya kinikilala ng makabagong siyensya na isang agham. Malaagham kung ituring. Kwentong bayan. Mga Pamahiin. Sa loob ng labintatlong taon ng pananaliksik na ito, napansin kong may pagkakapare-parehas ang mga kwentong bayan ayon sa kosmolohiya ng iba't ibang lahi at kultura. May mga diyos at mga diyosang bumuo ng mundo at magmula sa mga diyoses na ito, binigyan nila ng kaalaman ang mga tao, gaya ng pagsasaka, panggagamot, paglalayag, pagtatayo ng mga gusali, metalurhiya at iba pa. Dito sa sinaunang Pilipinas, ganito ang ginawa din ng mga diyos at mga diyosang ito ayon sa paniniwala ng mga iba't ibang katutubo natin. Ang napansin kong pinagkaiba nila sa mga kanluraning diyoses, hindi sila imortal, namamatay sila. Pero sa kanilang kamatayan, nabubuhay ang mga bundok, pananim, mga hayop pati na ang sansinukob. ...

Ang Pilipinas Sa Takda ng Panahon

Nagsimula ang makabagong kasaysayan ng Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo, 1946 kung saan ang mga kinatawan ng Estados Unidos at ng Pilipinas ay lumagda sa Kasunduan ng Pangkalahatang Ugnayan ng dalawang gubyerno. Sa kasunduang ito, kinilala ng Estados Unidos ang kasarinlan ng Pilipinas. Si Manuel Roxas ang unang pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas. Sa takda ng panahon, ang pagkakabuo ng makabagong kasaysayan ng Pilipinas ay nasa Panahon ni Bathala. Bathala    (16) : 1946 - 1962 Kan-laon (19) : 1962 - 1981 Manaul    (17) : 1981 - 1998 Minokawa (7) : 1998 - 2005 Dian        (20) : 2005 - 2025 Liadlaw     (6) : 2025 - 2031 Mayari     (10) : 2031 - 2041 Apolaki      (7) : 2041 - 2048 Bakunawa (18): 2048 - 2066 Sa mga may Takda ni Bathala, masagana ang simula sa kanyang panahon (Bathala), ika-apat mula sa kanya (Minokawa), ang ikapito (Mayari) at ang ika-walo (Apolaki). Ang mga masalimot, ma...